
Hanggang 40 testigo ang inihahanda ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, pero maaari itong mabawasan depende sa ebidensyang ilalatag ng prosekusyon.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, spokesperson ni Rep. Romualdez na tentative pa ang listahan at rerepasuhin muna ng depensa ang mga ebidensya ng prosekusyon bago tukuyin kung sinu-sino ang kailangang tumestigo.
Posibleng hindi na ipatawag ang ilang testigo kung mapagpapasyahan ng depensa na hindi kailangang sagutin ang mga ebidensya ng prosekusyon.
Inaasahang kabilang mismo si Romualdez sa listahan ng mga testigo.
Ayon kay Fajardo, “most likely” ay haharap at magbibigay ng testimonya si Romualdez kapag panahon na ng depensa na maglahad ng ebidensya.
Ilalatag ang listahan ng mga testigo sa pre-trial brief ng depensa.
Samantala, nakahanda na rin ang petisyon para sa piyansa at inaasahang ihahain ito matapos pormal na matapos ang pre-trial proceedings.
Inaasahang magsisimula ang pagdinig sa piyansa sa ikalawang linggo ng Oktubre, kung saan unang ilalahad ng prosekusyon ang kanilang mga ebidensya.









