
Ibinasura ng Sandiganbayan ang 1987 coconut levy civil case laban sa yumaong di dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dating first lady Imelda Marcos, at dating Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile dahil sa umano’y hindi tamang paggamit ng coco levy funds.
Tinukoy ng Sandiganbayan Second Division ang labis-labis na pagkaantala na rason sa pagbasura sa kaso.
Ayon sa korte, ang halos 40 taon na proceedings ay lumabag sa karapatan ng defendants para sa mabilis na disposisyon sa mga kaso.
Una rito, hiniling ng Presidential Commission on Good Government, na naghain ng kaso noong July 1987, na baliktarin ang naunang desisyon na ibasura ang kaso noong December 2024.
Ipinunto ng komisyon na isinuko ng defendants ang kanilang karapatan para sa mabilis na paglilitis matapos na mabigong igiit ito sa loob ng mahigit dalawang dekada.
Gayunman, ibinasura ng Sandiganbayan ang mosyon, at sinabing walang bago sa mga inihaing argumento mula sa mga naunang naisumite na consolidated comment noong July 29, 2024.
Ikinonsidera rin ng korte ang mga argumento mula sa mga Marcos, na ang katagalan ng kaso ay naging hadlang sa kanilang kakayahan na ipagtanggol ang kanilang sarili.
Sinabi ng mga abogado ng Marcoses na si Imelda Marcos, na ngayon ay 95 anyos, ay bumagsak na ang kalusugan at memorya, kung saan nahihirapan na siya na maalala ang mga pangyayari.
Bukod dito, namatay na rin ang ilang testigo at posibleng nawala na rin ang ibang mahahalagang dokumento para sa nasabing kaso.
Ang iba pang defendants sa kaso ay si yumaong businessman Eduardo Cojuangco Jr., yumaong dating Zamboanga City Mayor Maria Clara Lobregat, dating Philippine Coconut Authority Chairman Rolando de la Cuesta, Jose Eleazar Jr., Herminigildo Zayco at United Coconut Mills, Inc.
Ayon sa Sandiganbayan, magpapatuloy ang proceedings sa natitirang defendants, kabilang sina De la Cuesta at Zayco.
Ang subcase ay bahagi ng serye ng mga kaso na inihain ng PCGG na layuning mabawi ang assets na umano’y kinuha sa pamamagitan ng levy, ang buwis na nakolekta mula sa mga coconut farmers sa pagitan ng 1971 at 1982.
Sa halip na gamitin ang pondo para suportahan ang mga magsasaka batay sa nakasaad sa batas, ginamit umano ang pondo sa business acquisitions.









