Nagpasya ang Korte Suprema na maaaring itama ang mga pagkakamali sa isang deed of sale kung hindi nito naipapakita ang tunay na napagkasunduan ng mga partido.

Sa desisyon ng Third Division, pinagtibay ng Korte Suprema ang bentahan ng isang 491-square-meter na lupain sa Cebu sa pagitan ng mga bumili at nagbenta, pati na rin ng mga tagapagmana ng nagbenta. Ayon sa Korte, hindi dapat manaig ang pagkakamali sa paglalarawan ng ari-arian kung malinaw ang tunay na layunin ng mga partido sa kasunduan.

Nag-ugat ang kaso nang sakupin ng mga mamimili ang lupain sa loob ng 20 taon bago ito pinasok ng isang mag-asawa na sumira sa kanilang bakod at nagtayo ng sariling poste. Nang alamin ng mga mamimili ang titulo ng lupa, nadiskubre nilang nakapangalan na ito sa naturang mag-asawa kaya naghain sila ng kaso sa Regional Trial Court upang ipawalang-bisa ang titulo. Iginiit naman ng mga tagapagmana ng nagbenta na maling lote ang nakasaad sa deed of sale at peke umano ang extrajudicial settlement at bentahan.

Gayunman, sinabi ng Korte Suprema na clerical error lamang ang maling pagbanggit sa lot number at hindi nito binabago ang tunay na intensyon ng mga partido. Ibinalik din ng mataas na hukuman ang desisyon ng Regional Trial Court na kumikilala sa bentahan, matapos itong baligtarin ng Court of Appeals. Ang desisyon, na isinulat ni Associate Justice Henri Jean Paul Inting, ay inilabas noong Disyembre 2025 at isinapubliko nitong Hulyo 2026.