Naghain si Senator Ronald “Bato” dela Rosa ng dalawang panukalang batas kahit patuloy ang kanyang pagliban sa mga sesyon ng Senado.

Batay sa tala ng Senado, pinirmahan ni Dela Rosa ang mga panukala sa Senate Bills and Index Section matapos ang isang buwang recess ng Kamara. Isinama ang mga ito sa plenary session noong Mayo 6.

Ang una ay ang Senate Bill No. 2080 o Counter Foreign Interference Act na layuning tukuyin at parusahan ang dayuhang pakikialam sa bansa at magtatag ng council na tututok sa mga sektor tulad ng politika, ekonomiya, lipunan, teknolohiya, edukasyon, batas, at militar.

Ang ikalawa naman ay ang Senate Bill No. 2079 o National Police Clearance System Act na naglalayong palakasin ang centralized system ng police records kabilang ang mga ulat ng krimen, warrant of arrest, at impormasyon ng mga wanted at naarestong indibidwal.

Hindi pa rin nagpapakita si Dela Rosa sa publiko at hindi dumadalo sa sesyon mula Nobyembre 2025, kasunod ng ulat na may warrant of arrest umano mula sa International Criminal Court kaugnay ng war on drugs.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil sa kanyang matagal na pagliban, nahaharap din siya sa ethics complaint at iminungkahi ng Senate ethics committee ang pagre-review ng rules na posibleng magpatupad ng no work, no pay policy para sa mga absentee senator.