
Nanawagan si Senador Erwin Tulfo sa Department of Trade and Industry (DTI) na agad umaksyon laban sa ilang maliliit na negosyong umano’y hindi sumusunod sa ipinatutupad na price freeze.
Ayon sa senador, may mga ulat na ilang tindahan sa mga palengke ang patuloy na nagtataas ng presyo ng mga pangunahing bilihin sa kabila ng umiiral na price freeze, na nakalaan upang protektahan ang mga konsyumer sa panahon ng krisis.
Iginiit ni Tulfo na tila sinasamantala ng ilang negosyante ang kakulangan sa inspeksyon sa mga lokal na pamilihan, dahilan upang maapektuhan ang mga ordinaryong mamimili na walang ibang mapagkukunan ng murang bilihin.
Nanawagan din ang senador sa DTI na huwag lamang umasa sa mga isinusumiteng ulat, kundi magsagawa ng aktwal na inspeksyon sa mga palengke at tindahan upang matiyak ang pagsunod sa batas.
Binigyang-diin pa nito na mahalaga ang price freeze bilang bahagi ng mga hakbang ng gobyerno sa gitna ng krisis, at ang hindi pagsunod dito ay nakababawas sa bisa ng mga programang ayuda para sa publiko.










