Isinusulong ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na magpapatupad ng “no work, no pay” policy para sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan na lumiliban sa trabaho nang walang sapat na paliwanag.

Saklaw ng panukala ang Pangulo, Bise Presidente, mga senador, kongresista, mga halal na opisyal, mga kalihim ng gabinete, at mga pinuno ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Nakasaad din sa panukala na hindi dapat makatanggap ng allowances ang mga opisyal na absent nang walang wastong abiso o malinaw na dahilan.

Ayon kay Senador Tulfo, hindi dapat magkaroon ng espesyal na pagtrato sa matataas na opisyal dahil ang mga ordinaryong empleyado ng gobyerno ay hindi rin sumasahod kapag lumiliban sa trabaho nang walang sapat na dahilan.

Binigyang-diin ng senador na dapat pantay ang pagpapatupad ng polisiya sa lahat ng kawani ng pamahalaan, anuman ang kanilang posisyon.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din niya ang naging hakbang ni Senador Jinggoy Estrada na boluntaryong ipatigil ang pagtanggap ng sahod nang siya ay maaresto noon.

Muling naging sentro ng usapin ang “no work, no pay” matapos ang matagal na pagliban ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa habang patuloy na tumatanggap ng sahod bilang miyembro ng Senado.