
Nanawagan si Senador Erwin Tulfo na ipagpatuloy ng Senado ang pagpasa ng mahahalagang panukalang batas at pagsasagawa ng mga imbestigasyon sa kabila ng pagsisimula ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Tulfo, bagama’t kikilos ang mga senador bilang senator-judges sa impeachment proceedings, hindi dapat mapabayaan ang iba pang tungkulin ng Senado bilang lehislatura.
Aniya, dapat na magampanan ng Senado ang parehong responsibilidad nito nang hindi naaantala ang mga panukalang makatutulong sa mamamayan.
Kabilang sa mga nais niyang maisulong ang AICS Act, mga amyenda sa Oil Deregulation Law, panukalang lumikha ng Philippine Petroleum Reserve, at pagrepaso sa Juvenile Justice and Welfare Act.
Hiniling din niyang magpatuloy ang mga pagdinig kaugnay ng umano’y anomalya sa flood control projects at isyu ng pagputol ng mga puno sa Palawan.
Binigyang-diin ni Tulfo na may karapatan ang publiko na makita ang pananagutan ng mga opisyal sa pamamagitan ng impeachment trial, ngunit dapat ding matiyak na tuloy-tuloy ang trabaho ng Senado sa paggawa ng mga batas na may direktang pakinabang sa mga Pilipino.










