Sinabi ni Senador Erwin Tulfo na wala siyang impormasyon kaugnay ng umano’y panibagong pagbabago sa liderato ng Senado matapos ang naganap na pagpapalit ng pamunuan noong nakaraang linggo.

Sa panayam sa Super Radyo nitong Linggo, sinabi ni Tulfo na wala siyang natatanggap na konsultasyon o impormasyon hinggil sa mga usapin ng panibagong paggalaw sa Senado, kabilang na umano ang kanyang kapatid na si Senador Raffy Tulfo.

Ayon sa senador, nabasa lamang niya ang naging pahayag ni Senador Alan Peter Cayetano na may ilang miyembro ng majority bloc na nakikipag-usap umano sa mga senador mula sa minority bloc.

Sinabi rin ni Tulfo na sa mga nakaraang pagbabago sa liderato ng Senado ay may umiikot na mga dokumento bilang pagpapakita ng suporta sa isang Senate President, ngunit sa ngayon ay wala pa umano siyang natatanggap o napipirmahang anumang dokumento kaugnay nito.

Patuloy namang usap-usapan sa Senado ang posibilidad ng panibagong pagbabago sa liderato kasunod ng mga nangyari noong nakaraang linggo.

-- ADVERTISEMENT --