
Ibinasura ni Senadora Loren Legarda ang lahat ng mga alegasyong binitawan laban sa kanya ni Ombudsman Crispin ‘Boying’ Remulla hinggil sa naging solar project ng kanyang anak na si Rep. Leandro Leviste.
Sa nakaraang press statement na inilabas ng Office of the Ombudsman, sinabi ng mga ito na napag-alaman ng kanilang investigator na nagkaroon umano ng sabwatan sa pagitan nina Legarda, Leviste at ni dating Energy Sec. Alfonso Cusi para makakuha ng eksklusibong government right sa solar energy resources.
Ayon pa kay Remulla, bilang nasa 21 taong gulang pa lang noon si Leviste ay hindi nito magagawa ang makakuha ng exclusive franchise nang walang tulong ng kanyang ina na dating chairman ng Senate Committee on Finance.
Kaugnay ng kontrobersiyang ito, mariin na iginiit ni Legarda na mula noong magsimula siyang maglingkod noong 1998 ay pinanghawakan na niya ang kanyang integridad.
Naniniwala naman siya na ang mga alegasyong ito ay isang hindi makatarungang pagdungis sa kanyang pangalan at dangal.
Sa ngayon, wala pa raw natatanggap na anumang komunikasyon mula sa Office of the Ombudsman ang senadora bagamat pagtitiyak niya handa silang ilahad ang katotohanan.
Nanawagan naman din siya sa publiko na maging mapanuri lalo na kung isasaalang-alang ang panahon at konteksto ng paglabas ng mga alegasyong ito.










