
Kinansela ng Senate impeachment court ang nakatakdang pagdinig sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Setyembre 30 bilang bahagi umano ng tinawag na “strategic procedural pause.”
Ayon sa tagapagsalita ng tribunal na si Attorney Regie Tongol, hindi ito dahil sa pagkaantala sa paglilitis kundi para bigyang-daan ang paghahanda ng prosecution at defense panels sa mga susunod na buong araw na pagdinig.
Ipagpapatuloy ang trial sa Huwebes, Oktubre 1, mula alas-10 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi, at tuloy-tuloy ang mga hearing hanggang Oktubre 15.
Sinabi ni Tongol na haharapin sa mga susunod na pagdinig ang maramihan at teknikal na financial records mula sa Anti-Money Laundering Council o AMLC.










