Walang grave abuse of discretion ang Senate impeachment court nang baguhin nito ang basehan ng voting threshold para sa conviction ni Vice President Sara Duterte, ayon kay constitutional law expert at dating Integrated Bar of the Philippines president Domingo Cayosa.

Ayon kay Cayosa, walang grave abuse kung ang desisyon ay ginawa alinsunod sa batas at sa tamang proseso.

Noong Setyembre 23, bumoto ang 13 senator-judges pabor sa mosyon na baguhin ang dating ruling na nagtakda ng 16 na boto bilang kailangan para ma-convict ang isang impeached official.

Sa bagong ruling, ibabatay ang two-thirds vote sa bilang ng mga senator-judge na legal at aktuwal na nakikilahok sa impeachment proceedings.

Sinabi rin ni Cayosa na walang dapat panghimasukan ang Supreme Court sa usapin dahil ang Senate impeachment court ang may kapangyarihang humawak at magdesisyon sa impeachment cases, kabilang ang pagbuo ng sarili nitong rules of procedure.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunman, may mga petisyon nang inihain sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa Setyembre 23 ruling.

Kabilang dito ang petition ni dating Executive Secretary Vic Rodriguez na humihiling na ideklarang null and void ang bagong voting threshold at maibalik ang dating 16-vote requirement.

Samantala, sinabi ng House prosecution panel na walang grave abuse of discretion sa naging desisyon ng impeachment court, habang iginiit naman ng ilang petitioner na dapat nakabatay sa lahat ng 24 senador ang two-thirds requirement.