Mas marami nang skilled workers kaysa mga nurse ang kumukuha ng International English Language Testing System (IELTS) para sa oportunidad sa trabaho sa ibang bansa, ayon sa British Council.

Ayon kay Mike Cabigon, head of market for English and exams ng British Council, lumawak na ang hanay ng mga Pilipinong kumukuha ng English proficiency test, kabilang ang mga butcher, welder, driver, at iba pang manggagawang may kasanayan.

Sinabi ni Cabigon na sa nakalipas na dalawang taon, nalampasan ng skilled workers ang bilang ng mga nurse na kumukuha ng IELTS.

Aniya, nakatutulong ang mataas na antas ng kasanayan sa Ingles upang makapasok ang mga Pilipino sa mga skilled worker program sa mga bansang tulad ng United Kingdom, Australia, at New Zealand.

Dagdag pa ng British Council, patuloy ding nagbabago ang paghahanda ng mga aplikante dahil sa paggamit ng artificial intelligence bilang karagdagang kasangkapan sa pag-aaral ng Ingles.

-- ADVERTISEMENT --