
Iniuugnay ng DILG sa matinding online activity at paggamit ng deep dark web ang suspek sa nakamamatay na pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, nakita sa cellphone ng suspek ang mga tala tungkol sa kanyang kalagayan at mga aktibidad sa internet na umano’y may kaugnayan sa violent content.
Tatlo ang nasawi sa insidente, kabilang ang suspek, habang walo ang nasugatan.
Sinabi rin ni Remulla na ginamit umano ng suspek ang baril ng kanyang ama, isang empleyado ng Department of Education, na may tatlong lisensiyadong armas.
Ayon sa DILG, hindi umano sapat ang pagkakasiguro sa mga baril kaya nakuha ito ng suspek.
Patuloy namang sinusuri ng PNP ang cellphone, gadgets at iba pang personal na gamit ng suspek upang matukoy ang mga nangyari bago ang pamamaril.
Kasunod nito, nakatakdang makipag-ugnayan ang DILG sa DICT at Kongreso para sa posibleng mas mahigpit na hakbang sa paggamit ng social media ng mga bata.
Pinag-aaralan din ang paggamit ng metal detectors sa mga paaralan bilang dagdag na seguridad laban sa pagpasok ng armas.










