Puspusan na ang paghahanda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. isang linggo bago ang kanyang ikalimang State of the Nation Address o SONA sa darating na Lunes.

Sa isang ambush interview, sinabi ni Presidential Communications Office Secretary Dave Gomez na “in progress” na ang talumpati ng Pangulo, ngunit tumanggi syang magbigay ng detalye sa nilalaman nito upang hindi anya mapangunahan ang Punong Ehekutibo.

Noong nakaraang SONA, inihayag ni Pangulong Marcos ang mga prayoridad ng administrasyon, kabilang ang pagpapalawak ng 20 kada kilong bigas sa buong bansa, pagpapatuloy ng kampanya laban sa katiwalian lalo na sa mga flood control project, pagpapabilis ng paghahatid ng serbisyo ng gobyerno, at pagpapalakas ng mga programa sa agrikultura, edukasyon, enerhiya, at disaster response.

Isa sa mga pinakatumatak na bahagi ng kanyang talumpati noong nakaraang taon ang mariing babala laban sa mga tiwaling opisyal at contractor na sangkot umano sa mga maanomalyang flood control project, kung saan sinabi nyang, “Mahiya naman kayo sa inyong kapwa Pilipino.”

Inaasahan namang ilalatag ng Pangulo sa kanyang nalalapit na SONA ang mga nagawa ng administrasyon sa nakalipas na taon, gayundin ang mga prayoridad at mga programang isusulong sa nalalabing panahon ng kanyang termino.

-- ADVERTISEMENT --