
Nilinaw ni SP Pro Tempore Ping Lacson na mula noong magbukas ang Kongreso sa Pilipinas ay nagsimula na ring umiral ang interparliamentary courtesy sa pagitan ng Senado at Kamara.
Ayon kay Lacson, ito ang rason kung bakit tuwing mayroon silang imbitasyon sa ilang kongresista ay kailangan muna nila itong idaan sa House Speaker ng mababang kapulungan.
Anya, ang bagay na ito ang ginawang proseso ng Blue Ribbon Committee sa dalawa na nitong pagdinig at kailangang magkusa ang kongresistang iniimbitahan para mapaharap ito sa kanila.
Ito rin umano ang rason kung bakit ang tawag na rito ay ‘time-honored tradition’.
Kaugnay ng usaping ito, hindi pa rin umano maintindihan ng senador kung bakit hindi pa ito pumapasok sa bumbunan ni Senador Rodante Marcoleta.
Maalala, sa isang interbyu, sinabi ni Marcoleta na saka lang siya pipirma sa partial committee report ng Blue Ribbon sa panahon na mapatawag na ang ilang indibidwal na nais niyang humarap dito katulad na lang ni dating HS Martin Romualdez.









