Nanawagan si House Speaker Faustino ‘Bojie’ Dy III ng isang lipunang may pantay na dignidad, respeto, at oportunidad para sa lahat ng Pilipino ngayong pagdiriwang ng Pride Month.

Sa kanyang video message, sinabi ni Dy na ang Pride Month ay paalala ng tapang ng pagiging totoo sa sarili at ng kahalagahan ng pagtanggap sa bawat isa anuman ang kanilang pinagmulan, paniniwala, o pagkakakilanlan.

Binigyang-diin ng House Speaker na ang paggalang sa dignidad ng bawat tao ay isang karapatan at hindi pribilehiyo, at hindi dapat maging dahilan ng diskriminasyon ang anumang pagkakaiba.

Ayon pa kay Dy, mas nagiging matatag at nagkakaisa ang lipunan kapag ang bawat mamamayan ay malayang naipapakita ang kanilang kakayahan at naabot ang kanilang mga pangarap nang walang takot sa panghuhusga.

Kasabay nito, binati rin niya ang komunidad ng LGBTQIA+ at hinikayat ang lahat ng Pilipino na magtulungan sa pagbuo ng isang mas inklusibo, makatarungan, at mapagkalingang lipunan.

-- ADVERTISEMENT --