Iginiit ng Kamara de Representantes ang patuloy nitong pagtutok sa mga panukalang batas na magtataguyod ng paglago ng ekonomiya, paglikha ng trabaho, at pagpapabuti ng serbisyo para sa mga Pilipino.

Sa pagrepresenta kay House Speaker Faustino “Bojie” Dy III sa pagbubukas ng 20th Manila Foods and Beverages Expo (MAFBEX), sinabi ni Camarines Sur 1st District Rep. Tsuyoshi Anthony “Hori” Horibata na prayoridad ng Kamara ang mga batas na may konkretong epekto sa buhay ng mga mamamayan.

Ayon kay Horibata, 229 panukalang batas ang naaprubahan ng Kamara sa First Regular Session ng 20th Congress, kabilang ang 66 national bills at 163 local measures na ngayon ay nakabinbin sa Senado.

Kabilang sa mga ito ang mga panukalang reporma sa ekonomiya, social protection programs, imprastraktura, edukasyon, kalusugan, at mga lokal na proyekto na layuning mapalawak ang oportunidad sa buong bansa.

Ilan sa mga pangunahing panukala ang National Land Use Act, amendments sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), eBayad Act para sa digital payments, at Philippine Waste-to-Energy Act.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Horibata, ang mga hakbang na ito ay patunay na ang Kamara ay nakatuon sa mga polisiyang magpapalago sa negosyo, magpapasigla sa pamumuhunan, at magpapabuti sa kalidad ng buhay ng mga Pilipino.

Giit pa niya, mas mahalaga ang resulta kaysa sa maiingay na pulitikal na diskusyon, at ang tunay na sukatan ng pag-unlad ay ang paglikha ng trabaho at oportunidad para sa mga pamilya.