Isinailalim sa state of calamity ang bayan ng Calanasan, Apayao dahil sa lumalalang epekto ng krisis sa enerhiya sa kabuhayan at ekonomiya ng lugar.

Ayon sa lokal na pamahalaan, ipinasa ng Sangguniang Bayan ang resolusyon para sa deklarasyon at ito ay inaprubahan ni Mayor Shamir Bulut.

Ang hakbang ay base sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), na nagsabing malaki na ang naging epekto ng sitwasyon sa kabuhayan, transportasyon, at suplay ng mga pangunahing serbisyo at produkto.

Dulot ng pandaigdigang problema sa suplay ng langis—na may kaugnayan sa tensyon sa Gitnang Silangan—tumaas nang husto ang presyo ng gasolina, na nagresulta sa pagtaas din ng pamasahe at presyo ng mga pangunahing bilihin sa lugar.

Pinakaapektado ang mga sektor tulad ng mga magsasaka, mangingisda, at maliliit na transport operator, na nahaharap ngayon sa matinding kahirapan.

-- ADVERTISEMENT --

Ang deklarasyon ay nakaayon din sa Executive Order No. 110, na nagdedeklara ng pambansang state of energy emergency.

Dahil sa state of calamity, pinahihintulutan ang lokal na pamahalaan na gamitin ang pondo mula sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund (LDRRMF), partikular ang Quick Response Fund (QRF), upang pondohan ang agarang tulong, mga hakbang sa pagresponde, at pag-ibsan sa epekto ng krisis sa mga residente.