Nakatakdang muling ideklara ang State of Calamity sa lalawigan ng Cagayan bunsod ng matagal na tagtuyot na malubhang nakaapekto sa sektor ng agrikultura.
Batay sa datos, 100% ang nasira sa taniman ng mais, samantalang 30% naman sa palay ang naapektuhan kung saan hinihintay na lamang ang pinal na pagsusumite ng mga ulat bago pormal na gawin ang deklarasyon.
Kaugnay nito, hinikayat ni Gov. Edgar Aglipay ang lahat ng ahensya ng gobyerno, alkalde, at kongresista na magtulungan upang agad na matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong magsasaka.
Sa ngayon, 1,200 magsasaka pa lamang ang nabigyan ng Emergency Cash Transfer mula sa DSWD, habang lahat ng kwalipikadong benepisyaryo ay nakatanggap na ng Presidential Assistance.
Nangako naman ang Department of Agriculture na magbibigay ng kinakailangang intervention upang muling matulungan ang mga magsasaka.
Samantala, ayon kay Municipal Agriculture Officer Vincent Espejo ng Alcala, nasa 4,051 ektarya ng yellow corn at 190 ektarya ng white corn ang nanganganib dahil sa matagal na kawalan ng ulan.
Maraming magsasaka ang piniling hindi na magpatubig dahil sa mataas na gastos sa diesel.
Matatandaang unang idineklara ang State of Calamity sa buong lalawigan noong Abril 20, 2026 dahil sa tagtuyot at krisis sa langis, kung saan tinatayang aabot sa bilyun-bilyong piso ang pinsala sa agrikultura.










