
Dalawa pang bayan sa Sarangani ang nagdeklara ng state of calamity kasunod ng pinsalang dulot ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng lalawigan noong Hunyo 8.
Kabilang sa isinailalim sa state of calamity ang mga bayan ng Glan at Malapatan, kung saan nagtamo ng matinding pinsala ang mga imprastraktura at kabuhayan ng mga residente.
Sa Malapatan, marahas na umuga ang mga gusali at maging ang mga konkretong poste dahil sa lakas ng pagyanig.
Sa isang paaralan sa Barangay Upper Suyan, nagpanic at napaiyak ang mga estudyante habang nararanasan ang lindol.
Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), Intensity VIII ang naitala sa Malapatan, ang pinakamataas na intensity na naiulat kaugnay ng lindol.
Napinsala rin ang Masla Bridge dahilan upang ipasara ito sa mga motorista matapos makitaan ng sira ang ilang bahagi ng istruktura nito.
Sa Glan naman, nagkaroon ng mga pagguho ng lupa na nagbara sa ilang kalsada habang may mga sasakyang tinamaan ng mga bumagsak na bato.
Batay sa paunang ulat ng lokal na pamahalaan, umabot sa 20 katao ang nasawi sa bayan dahil sa lindol.
Patuloy ding nararanasan ng mga residente ang kakulangan sa pagkain, malinis na tubig, kuryente at komunikasyon.
Ayon kay Glan Mayor Victor James Yap Sr., nahirapan silang mailikas ang mga apektadong residente dahil hindi pa rin nagagamit ang evacuation center na nasira noong lindol noong 2023.
Samantala, ipinatupad ni Sarangani Governor Rogelio Pacquiao ang mga pang-emergency na hakbang sa buong lalawigan sa pamamagitan ng isang executive order upang mapabilis ang pagtugon sa mga apektadong komunidad.
Sa General Santos City, nauna nang isinailalim sa state of calamity, pansamantalang isinara ang ilang bahagi ng GenSan-T’boli-Surallah Road matapos makitang hindi ligtas na madaanan dahil sa pinsalang dulot ng lindol.










