
Idineklara ang state of calamity sa lalawigan ng Cagayan, matapos na aprobahan ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office.
Ito ay bunsod ng nararanasang matinding tagtuyot na nagdudulot na ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura at pangisdaan at dahil sa lumalaking gastusin sa pagsasaka at pangingisda dahil sa krisis sa langis.
Batay sa ulat ni Engr. Arsenio Antonio ng Office of the Provincial Agriculture (OPA), tinatayang aabot sa ₱10,290,039,314.75 ang halaga ng pinsala at pagkalugi sa lalawigan.
Kabilang dito ang malawakang pagkasira ng mga pananim at malaking epekto ng pagtaas ng presyo ng petrolyo sa kabuhayan ng mga mangingisda.
Sa detalye, umabot sa mahigit isang bilyon ang pinsala sa mais habang mahigit apat na bilyong piso naman ang halaga ng nasirang pananim na palay, kapwa dulot ng matinding kakulangan sa ulan at irigasyon.
Samantala, tinatayang nasa mahigit apat na bilyong piso ang halaga ng pagkalugi sa sektor ng pangisdaan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na ginagamit sa pangingisda.
Sa ilalim ng state of calamity, maaaring magamit ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang calamity fund upang makapagbigay ng agarang tulong, kabilang ang relief operations, subsidiya, at iba pang interbensyon para sa mga apektadong sektor.
Kaugnay nito, hiniling ni Provincial Social Welfare and Development Officer Mac Paul Alariao sa Office of the Provincial Agriculture ang agarang pagsusumite ng kumpletong listahan ng mga magsasaka at mangingisdang apektado upang mas mapabilis ang distribusyon ng tulong.
Ayon kay Alariao, nakahanda na ang pamahalaang panlalawigan sa pamumuno ni Gobernador Edgar “Manong Egay” Aglipay na magbigay ng family food packs at emergency cash assistance sa mga pamilyang labis na naapektuhan ng krisis.










