TUGUEGARAO CITY- Ginagamot na sa Cagayan Valley Medical Center ang suspek sa pagpatay sa dalawang bata at tangkang pagpatay sa kanilang lola sa bayan ng Sta. Teresita, Cagayan kamakailan.

Sinabi ni PCAPT Isabelita Gano, information Officer ng PNP Cagayan na tinamaan sa ibaba ng kanyang puwitan si Jerry Genova matapos na tangkang takasan at agawin ang baril ng isang pulis nang sinundo mula sa Alfonso Hospital para sana sa karagdagang pagtatanong ukol sa pananaksak sa 6 anyos na lalaki at 5 anyos na babae na namatay habang nakaligtas naman ang kanilang lola na si Evelyn Perez sa kabila ng 16 na tinamong saksak sa katawan.

Ayon kay Gano, dalawa ang saksak ang lalaki habang isa naman sa kapatid niyang babae.

Sinabi ni Gano na hinabol ng mga operatiba si Genova matapos itong tumakbo at nang mahawakan nila ito ay tinangka niyang agawin ang baril ng isang pulis at muling tumakbo.

Dahil dito, nag-warning shot ang pulis subalit tinamaan sa puwitan ang suspek.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, sinabi ni Gano na iginigiit ni Genova na hindi siya ang gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Idinagdag pa ni Gano na hinahanap pa ang patalim na ginamit ng suspek sa krimen.

Sinabi ni Gano na isinampa na ang kasong 2 counts of robbery with homicide in relation sa Republic Act 7610, Robbery with Frustrated Murder at Direct Assault and Resistance to a Person in Authority.

Matatandaan na nangyari ang krimen noong gabi ng Agosto 1 sa Barangay Villa at batay sa pangyayari, pinagsaksaksak muna ng suspek ang mga biktima bago tinangay ang mga alahas ni Gng. Perez.

Bago dinala sa pagamutan ang ginang ay nasabi niya sa mga otoridad ang pangalan ng gumawa sa kanila ng karahasan.

Sinabi ni Gano na ang suspek ay dating cartaker ng farm ng mga Perez at pinaalis siya matapos na ibenta ang kanyang inaalagaan na mga panabong na mga manok.

Lumipat sa ibang farm ang suspek na nasa 50 meters lang ang layo sa bahay ng mga biktima.