Napanatili pa rin ng 19-anyos na si Ibrahim Yousef Alrefai ng LCW UAE cycle ang Best Young Rider Jersey na siyang pangunahing layunin niya hanggang sa matapos ang MPTC Tour of Luzon 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa Syrian cyclist, inamin niya na mahaba at mabigat ang mga yugto ng karera, ngunit patuloy siyang lumalakas at nagiging mas handa araw-araw.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon niya na makipaglaban sa Pilipinas, at labis niyang hinangaan ang mga matarik na akyatan at pababa na hindi karaniwan sa UAE, kung saan siya nagmula.

Gayunman, kahit na hindi perpekto ang kondisyon ng mga kalsada, mabilis umano siyang nakapag-adjust dito.

Isa sa pinakamalaking hamon na hinarap niya ay ang matinding init, na umabot sa 44°C ang heat index.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabila ng mga pagsubok, naging positibo ang kanyang karanasan at nagpasalamat siya sa dami ng suporta at magagandang mensahe mula sa mga Pilipino, na nagbigay sa kanya ng inspirasyon.

Bilang pagpapatunay ng kanyang pagkahumaling sa bansa, plano niyang bumalik muli sa Pilipinas sa taong 2027 para muling sumabak sa karera.