Inatake ng isang Chinese na lalaki ang tatlong agents ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawang entrapment operation sa Parañaque City kahapon.
Nangyari ang insidente laban sa mga miyembro ng NBI Criminal Intelligence Division sa loob ng gusali sa nasabing lungsod.
Isang NBI agent ang napaatras matapos na suntukin siya sa mukha ng isa sa mga Chinese.
Nahirapan ang mga awtoridad na huliin ang nasabing Chinese matapos maging bayolente nang hinuhuli ang kanyang mga kasamahan, kung saan sinaktan ang tatlong NBI agents.
Kinailangan ng tatlong lalaki para pahupain ang nasabing Chinese na wala namang armas.
Ayon sa NBI, isa sa mga Chinese national ang nahaharap sa reklamo dahil sa umano’y pagtatago ng pasaporte ng complainant bilang ransom.
Sinabi ng NBI na nagkasa sila ng entrapment operation dala ang marked money kapalit ng pasaporte at huliin ang inirereklamo
Nahaharap ang dalawang Chinese sa kasong robbery-extortion at direct assault.