Nanawagan si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa mga Pilipino na makibahagi sa pagsusulong ng mga usaping pandaigdig, kasunod ng babala niya sa pagtatangkang gawing nakasentro sa China ang global order.

Sa kanyang talumpati sa isang maritime forum sa Makati City, sinabi ni Teodoro na nakababahala umano ang isang “Sinocentric” na kaayusan, lalo na kung magiging hindi malinaw, hindi pantay at marahas ang pamamahala sa maritime domain.

Hinimok din niya ang mga Pilipino, partikular ang mga estudyante, na pag-aralan nang mabuti ang mga isyu at isulong ang kanilang mga pananaw sa pamamagitan ng advocacy.

Matagal nang binabatikos ni Teodoro ang mga hakbang ng China sa South China Sea, kabilang ang malawak nitong territorial claims na patuloy nitong ipinagtatanggol sa kabila ng 2016 arbitral ruling na pabor sa Pilipinas.