Inaresto ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang nag-viral sa social media na si Francis Fontillas sa kasong inciting to sedition, dahil sa mga mabibigat na salitang kaniyang binitawan laban sa gobyerno sa kaniyang vlog tungkol sa pagkakadakip ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa report mula sa NCRPO, nahuli si Fontillas dakong 4 p.m. sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City nitong Lunes sa pamamagitan ng warrant of arrest na inisyu ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 224.
Kaugnay nito, sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo, wala na sa PNP ang kaso dahil nasa korte na ito.
Isinampa ang kasong inciting to sedition laban kay Fontillas noong Marso 18 dahil sa kaniyang pagbatikos sa pag-aresto kay Duterte, na sinabi niyang sarili niyang paninindigan at paggamit ito ng kaniyang kalayaan sa pamamahayag.
Sa isang nakaraang post sa kaniyang Facebook account, kinuwestiyon ni Fontillas ang reklamong inihain laban sa kaniya, at sinabing nagpahayag lamang siya ng kaniyang paninindigan at prinsipyo.
Tinanggal sa serbisyo si Fontillas dahil sa grave misconduct noong Mayo 8, 2025.
Una rito, pinaalalahanan ng PNP ang mga pulis na manatiling apolitical at non-partisan sa lahat ng pagkakataon at iwasan ang pag-post sa social media at iba pang communication platforms ng hindi otorisado at hindi patas na mga pahayag.