TUGUEGARAO CITY-Dinagsa ng mahigit 2,000 katao na nais makakuha ng educational assistance ang DSWD Field Office 2 Carig Sur, Tuguegarao City kaninang umaga.
Nagtiis sa mahabang pila at init ng panahon ang mga pumila kung saan ay may naiulat na nahimatay pa dahil sa halos hindi madaanan ng karayom ang mga tao.
May mga magulang na kasama ang kanilang mga anak na nasa elementarya at mga estudyante sa kolehiyo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa ilang pumila, sinabi nila na madaling araw pa lang ay pumila na sila lalo na ang ilang senior citizen para samahan ang kanilang mga apo o anak.
May iba na galing pa ng malalayong bayan ng Cagayan sa pagnanais na makakuha ng nasabing financial assistance.
Nagdulot din ng matinding trapiko ang pila ng mga tao dahil umabot ito sa national road.
Sa huli ay 650 lamang na aplikasyon ang tinanggap ng DWSD at mayroon ng nabigyan ng pay-out habang kasalukuyan pa ang assessment sa ilang aplikasyon.
Dahil dito, umuwing dismayado ang maraming pumila at umasa dahil wala umanong naging malinaw na patakaran upang hindi lahat ay dumagsa sa DSWD.
Gayonman, sinabi ni Cecille Turingan, officer ng DSWD na kinuha nila ang mga dokumento ng mga hindi mabibigyan ng pay-out ngayong araw at maging ang kanilang cellphone number upang tatawagan na lamang sila para ipaalam kung kailan ang kanilang schedule na pumunta sa kanilang tanggapan.
Sinabi ni Turingan na nag-anunsiyo sila ng cut-off dahil sa hindi nila makakaya na maharap ang lahat ng mga pumunta ngayong araw sa kanilang tanggapan.
Tiniyak ni Turingan na makakatanggap ng nasabing ayuda ang mga kualipikado para sa nasabing programa hanggat may pondo pa ang kanilang tanggapan at kung sakali man na magkukulang ay maaari silang humingi sa kanilang centro office.
Subalit sa kabila ng pahayag ni Turingan ay may mahigit 100 pa kabilang ang ilang agta na dala ang kanilang maliliit na mga anak na naghihintay at umaasa na makakuha sila ngayong araw ng nasabing tulong pinansiyal dahil galing pa sila sa malayong lugar sa Cagayan.
Kaugnay nito, nagkasundo naman ang DSWD at si Maila Ting Que ng Tuguegarao na magtutulungan sa susunod na isasagawa ang pay-out upang matiyak na hindi mauulit ang nangyaring scenario na nagdulot ng matinding trapiko ang pila ng maraming tao at hindi na rin nasunod ang social distancing.
Samantala, batay sa inilabas na datos ng DSWD Region 2, 5,000 ang pumila sa Ilagan City, 3,000 sa Cabarroguis, Quirino at 2,000 sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Isa naman ang nag-apply at nabigyan ng educational assistance sa Basco, Batanes.
Ang AICS Education Assistance ay programa ng Kagawaran para magbigay ng tulong sa mga Student-in-Crisis na maaari nilang magamit sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral tulad ng mga school fees, school supplies, projects, allowance, at iba pang mga bayarin.