
Ipinairal ang total gun ban sa buong lalawigan ng Cebu mula Mayo 4 hanggang Mayo 11, 2026 bilang paghahanda sa pagho-host ng ASEAN Summit 2026.
Sa ilalim ng gun ban, suspendido ang permit para sa transport at pagdadala ng armas, permit para sa gun clubs, dealers at repair services, pati na ang permit sa pagbili at pagbiyahe ng pampasabog at explosive ingredients.
Kasama rin sa ipinagbawal ang operasyon ng mga firing range at pansamantalang suspendido ang lisensya sa paggawa ng paputok at pyrotechnic devices.
Tanging mga tauhan lamang ng Philippine National Police, Armed Forces of the Philippines, at iba pang law enforcement agencies na naka-duty at naka-uniporme ang pinapayagang magdala ng armas.
Ayon sa mga awtoridad, mahaharap sa pag-aresto at kaso ang sinumang lalabag sa ipinatutupad na gun ban.
Samantala, mahigit 7,000 security personnel ang idineploy para sa seguridad ng summit, katuwang ang libo-libong force multipliers at logistical support.
Isinagawa rin ang mga simulation exercise sa Mactan Island bilang paghahanda sa posibleng banta sa seguridad.
Sinabi ng PNP na wala pang nakikitang seryosong banta sa ngayon, ngunit patuloy ang pagbabantay laban sa mga posibleng panganib mula sa teroristang grupo, rebeldeng komunista, at criminal gangs.










