
Isinusulong ng Pilipinas ang pagtatatag ng isang artificial intelligence (AI) hub na layuning matulungan ang micro, small, and medium enterprises (MSMEs) na makinabang sa makabagong teknolohiya.
Ayon sa chair’s statement ng 48th ASEAN Summit na inilabas sa ASEAN Philippines 2026 website, suportado ng mga lider ng ASEAN ang panukalang “AI MSME Hub” ng Pilipinas.
Layunin ng nasabing inisyatiba na isulong ang isang “inclusive at interoperable” na sistema na naaayon sa mga prayoridad ng rehiyon sa digital transformation, innovation, at sustainable development.
Ang Pilipinas ang kasalukuyang host at chair ng 48th ASEAN Summit para sa 2026.
Sa ilalim ng panukala, inaasahang mas mapapalakas ang kakayahan ng MSMEs sa paggamit ng AI upang mapabuti ang operasyon, produktibidad, at kompetisyon sa merkado.







