
Nagkasundo ang Thailand at Cambodia na ipagpatuloy ang dayalogo upang maiwasan ang paglala ng tensyon at mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon, matapos ang trilateral meeting na pinangunahan ng Pilipinas sa sidelines ng 48th ASEAN Summit.
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na inatasan ng dalawang bansa ang kani-kanilang foreign ministers na panatilihin ang bukas at direktang komunikasyon para sa mapayapang pagresolba ng kanilang sigalot.
Ayon kay Marcos, kapwa nagpahayag ng kahandaan sa dayalogo sina Thai Prime Minister Anutin Charnvirakul at Cambodian Prime Minister Hun Manet upang maayos na mapangasiwaan ang kanilang mga pagkakaiba.
Sinabi rin ng Pangulo na parehong nangako ang dalawang lider na umiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala ng tensyon at sa halip ay isulong ang mapayapang usapan at kooperasyon.
Kasabay nito, pinalawig din ng tatlong buwan o hanggang Hulyo 2026 ang mandato ng ASEAN Observer Team (AOT), kung saan magsisilbing coordinator ang Pilipinas.
Ang AOT ay binubuo ng mga kinatawan mula sa ASEAN member states na naatasang magmonitor at mag-ulat hinggil sa pagpapatupad ng ceasefire agreement sa pagitan ng Thailand at Cambodia.
Binigyang-diin ni Marcos na patuloy na handang tumulong ang Pilipinas bilang tagapamagitan upang mapanatili ang dayalogo at pagkakaisa sa loob ng ASEAN.










