Isinusulong ni House Majority Leader at presidential son Sandro Marcos ang panukalang batas na agarang bubuwag sa travel tax na sinisingil sa mga Pilipinong pasahero.

Batay sa House Bill 7443, ipawawalang-bisa ang travel tax na ipinapataw alinsunod sa Presidential Decree Number 1183 at iba pang kaugnay na probisyon ng Tourism Act of 2009.

Nabatid na umaabot sa 2,700 pesos ang kinokolektang travel tax para sa first-class passengers habang 1,620 pesos naman sa economy class travelers.

Sa kanyang explanatory note, binigyang-diin ni Marcos na sumasalungat na ang paniningil ng travel tax sa adhikain ng bansa na makabangon ang ekonomiya at nakaaapekto sa mobility at regional competitiveness.

Sa kasalukuyan aniya ay naging dagdag na gastusin na ang travel tax na nagiging pabigat para sa mga Pilipino na bumibiyahe para sana sa trabaho, pamilya at oportunidad.

-- ADVERTISEMENT --

Iginiit din nito na dahil mahal ang pagbiyahe, mas kaunti ang tumatangkilik o gumagastos at limitado ang galaw ng ekonomiya.

Idinagdag ng House leader na maraming ASEAN member states na ang bumuwag sa nagsisilbing balakid sa pagbiyahe para palakasin ang turismo, kalakalan at people-to-people exchanges.

Pero nilinaw ni Marcos na hindi naman ito nangangahulugan na inaabandona na ang suporta sa turismo, kultura at edukasyon na karaniwang nakikinabang sa travel tax collections.

Kapag naisabatas ay sasagutin na sa General Appropriations Act ang pondo para sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority, Commission on Higher Education at National Commission for Culture and the Arts.