
Dumalo si United States President Donald Trump sa seremonya ng pagdating ng mga labi ng anim na sundalong Amerikano na unang nasawi sa lumalalang digmaan ng Estados Unidos laban sa Iran.
Isinagawa ang tinatawag na “dignified transfer” sa Dover Air Force Base, kung saan sinalubong ni Trump at ng iba pang matataas na opisyal ng pamahalaan ang mga kabaong na nababalutan ng bandila ng Estados Unidos. Kasama niya sa seremonya sina First Lady Melania Trump, Vice President JD Vance, at Defense Secretary Pete Hegseth.
Ang anim na sundalo—limang lalaki at isang babae na may edad 20 hanggang 54—ay pawang reservists mula sa 103rd Sustainment Command na nakabase sa Iowa. Ang kanilang unit ay responsable sa pagbibigay ng suplay tulad ng pagkain, gasolina, kagamitan, at bala sa mga tropa.
Nasawi ang mga sundalo matapos tamaan ng drone attack ang isang mahalagang command center ng Estados Unidos sa Kuwait noong nakaraang linggo. Nangyari ang pag-atake isang araw matapos magsagawa ang Estados Unidos at Israel ng malawakang operasyon militar laban sa Iran.
Ang “dignified transfer” ay isang solemne at tradisyunal na ritwal ng militar kung saan iniuuwi sa Amerika ang mga labi ng mga sundalong nasawi sa ibang bansa. Mula sa eroplano, dinadala ang mga kabaong patungo sa mortuary facility sa Dover para sa pagkilala at paghahanda bago ibigay sa kanilang mga pamilya para sa libing.
Ayon sa mga opisyal ng US, patuloy pang tumitindi ang tensyon sa Gitnang Silangan habang naglulunsad ang Iran ng mga drone at missile laban sa mga target ng Amerika at mga kaalyado nito sa rehiyon.
Sa isang post sa kanyang social media platform na Truth Social, nagbabala si Trump na “matinding pag-atake” ang maaaring isagawa ng Estados Unidos laban sa Iran kung magpapatuloy ang mga banta.










