
Isa pang karangalan para sa Tanudan, Kalinga at sa buong bansa ang naitala ni Paralympian Agustina Bantiloc matapos na manalo ng dalawang bronze medals sa archery sa katatapos na 2026 ASEAN Para Games sa Thailand.
Si Bantiloc, tubong Lubo, Tanudan, ay kabilang sa para-athletes na nag-ambag sa makasaysayang performance ng bansa sa 13 ASEAN Para Games, na isinagawa mula January 20 hanggang 26, kung saan pang-apat ang bansa sa overall sa kabuuang 134 medals.
Ito ang itinuturing na pinakamalaking medalya na nakuha ng delegasyon ng bansa buhat nang makilahok sa Para Games noong 2001.
Nasungkit ni Bantiloc ang bronze medal sa Women’s Individual Compound event matapos na talunin niya ang kalabang Vietnamese.
Nakuha niya ang isa pang bronze kasama si Elizabeth Bayla matapos na talunin ang Indonesian duo sa Women’s Compound Doubles, 141–132.
Kaugnay nito, pinuri ni Mayor Jaedicke Rose Dagadag si Bantiloc sa tagumpay ni Bantiloc sa prestihiyosong sporting event.










