Muling naging sentro ng atensiyon sa ika-14 na araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte ngayong Martes, Agosto 11, ang mga “unusual” o hindi pangkaraniwang pangalan sa mga acknowledgement receipt (AR) ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).

Lumutang kasi ang mga kahina-hinalang pangalan na hawig sa mga sikat na pulitiko at pagkain sa bagong mga resibong iprinisenta ng House prosecution panel, sa pangunguna ni Atty. Lorna Kapunan.Oras at Mga Kalendaryo

Ipinakita ng prosekusyon ang mga resibo na pinirmahan ng mga sumusunod na indibidwal para sa “pagbili ng impormasyon” o kagamitan:

Pia Piatos-Lim – nakatanggap umano ng ₱140,000. Kasunod ito ng paglutang ng mga pangalang Mary Grace Piattos at Renan Piatos sa mga nakaraang pagdinig.

Ralph Josh Bacon – nakatanggap ng ₱150,000.

-- ADVERTISEMENT --

Ilan pa sa mga nakatanggap umano ng confidential funds na kahawig ng apelyido ng pulitiko ay ang sumusunod:

Feonna Villegas at Clarisse Hontiveros – sila ang nakakuha ng pinakamalalaking halaga na tig-₱500,000 para umano sa medical at food aid.

Bukod kay Hontiveros, lumabas din ang mga pangalang Jose Diokno Jr., Diane Maple Lapid, John A. Lapid, Beth Revilla, at Kristine Applegate Estrada.

May mga pangalan din sa mga resibo na hawig sa pagkain gaya ng Beverly Claire Pampano (isda), Matthew N. Keso, Jay Kamote, at Miggy Mango, na biniro ng prosekusyon na parang “fruit salad” o listahan sa palengke.

Iprinisenta rin ni Atty. Kapunan ang AR na nagpapakita ng isang nagngangalang “Anne Ongpauco” na nakatanggap ng P50,000 para sa pagbili ng impormasyon habang isang “Heart Santiago” naman ang nakatanggap ng P250,000 para sa pagbili o pagrenta ng mga suplay, materyal at equipment para sa confidential operations.

Nang usisain ang testigong si Xylene Del Campo ni Atty. Kapunan kung natanong niya kung may kaugnayan ang naturang pangalan sa presiding officer, sinabi ng testigo na hindi dahil hindi saklaw ng kaniyang trabaho ang magberipika sa mga pangalang nakalagay sa ARs kundi nagsasagawa lamang siya ng compliance audit.

Maaaring tinutukoy ni Kapunan ang aktres at maybahay ni presiding officer Francis Escudero, na ang tunay na pangalan ay Love Marie Ongpauco-Escudero.

Samantala, kinumpirma naman ni Del Campo na ang mga resibo para sa “rewards” ay walang kalakip na patunay na nagtagumpay ang operasyon, habang ang mga para sa “supplies” ay walang detalye kung ano ang binili.

Sa ngayon, patuloy na sinusuri ng Senado, na tumatayong impeachment court, ang Article 1 ng impeachment complaint na tumatalakay sa umano’y maling paggamit at sistematikong korapsyon sa ₱612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.