
Nilinaw ng Department of Social Welfare and Development Secretary Rex Gatchalian na saklaw ng pinalawak na United Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT Program hindi lamang ang pinakamahihirap kundi pati ang mga low-wage earners o near-poor na nagbabayad ng buwis.
Ayon kay Gatchalian, kabilang sa mga benepisyaryo ang mga pamilyang maaaring bumagsak sa kahirapan kapag tinamaan ng krisis, sakuna, o biglaang gastusin.
Sa ilalim ng programa, makatatanggap ng hanggang ₱2,000 ayuda ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa loob ng anim na buwan upang mabawasan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at bilihin.
Tinatayang 7.5 milyong kabahayan o 37.5 milyong Pilipino ang makikinabang sa programa, na kinabibilangan ng miyembro ng 4Ps, near-poor households, at ilang miyembro ng SSS na pasok sa itinakdang kita.
Sinabi ng DSWD na ang pagpili ng benepisyaryo ay ibinatay sa datos ng Community-Based Monitoring System ng Philippine Statistics Authority.










