Bumisita sa Pilipinas si General Kevin Schneider, US Pacific Air Force commander, upang inspeksyunin ang ilang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites at mga base ng Philippine Air Force (PAF).

Ayon kay PAF Spokesperson Colonel Ma. Consuelo Castillo, bibisitahin ni General Schneider ang mga EDCA project sites sa Pampanga, Palawan, Cebu, at Lumbia Airport sa Cagayan de Oro.

Ang pagbisita ay isinagawa matapos ang pulong ni Schneider kay PAF Commanding General Lieutenant General Arthur Cordura, kung saan tinalakay ang pagpapalakas ng humanitarian assistance at disaster relief operations, pati na rin ang pagpapabuti ng depensa ng bansa.

Pinag-usapan din ng dalawang opisyal ang pagpapalakas ng interoperability ng US at Philippine Air Force, at ang kahalagahan ng magkasanib na ehersisyo at mga training program upang mapabuti ang operational capabilities ng parehong pwersa.

Ang pagbisita ni Schneider sa Pilipinas ay naganap kasunod ng anunsyo ni US President Donald Trump na pansamantalang ititigil ang pagbibigay ng pinansyal na tulong sa ibang bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Inutos ni Trump ang 90-araw na suspensyon ng US aid sa iba pang bansa, habang isinasagawa ang pagsusuri sa status ng mga programang pinagmumulan ng pondo.