
Inihayag ni Vice President Sara Duterte na nagbago ang kanyang mga plano sa pagbiyahe at magpapadala siya ng panibagong kahilingan sa Office of the President (OP).
Naglabas si Duterte ng liham matapos siyang mabigyan ng pahintulot na bumiyahe mula Abril 23 hanggang Mayo 15 sa limang bansa—ang Netherlands, Republic of Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom—kahit may kinahaharap siyang mga impeachment proceedings.
Ayon sa kanya, nagbago ang plano dahil sa kawalan ng katiyakan kung papayagan siyang makaalis ng bansa.
Humiling din siya na sa susunod ay maibigay ang travel authority nang mas maaga upang magkaroon ng sapat na oras sa paghahanda, at hindi lamang ilang oras bago ang alis.
Ang travel authority ay pirmado ni Acting Executive Secretary Ralph Recto, at nakasaad na ang biyahe ay gagawin habang siya ay naka-leave of absence at walang gagastusin ang gobyerno.
Binanggit din ni Duterte ang kahalagahan ng maingat at confidential na paghawak ng mga sensitibong dokumento upang mapanatili ang seguridad.










