
Ipinakita sa mga Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Vice President Sara Duterte na wala siyang dineklarang cash on hand o bank deposits mula 2019 hanggang 2024, kahit patuloy namang tumataas ang kanyang kabuuang yaman o net worth.
Sa pagdinig ng House of Representatives, kinumpirma ni Atty. Karen Batu na walang nakasaad na kahit isang piso ng cash o deposito sa mga SALN ng bise presidente sa nasabing mga taon.
Sinabi ni Batu, may liquid assets o cash at deposits ni Duterte bago ang 2019, kung saan inihalimbawa ang humigit-kumulang na P2 million mula 2007 hanggang 2008, noong 2017 na P6.3 million at ang huling taon na may naitalang cash o deposits ay noong 2018 na P3.7 million, at simula nang 2019 hanggang 2024 ay wala nang dineklarang cash at deposits si VP Duterte.
Kaugnay nito, sinabi ni Rep. Joel Chua na kapansin-pansin na tuloy-tuloy ang kawalan ng cash declaration.
Samantala, sinabi ni Rep. Leila de Lima na ang biglaang pagkawala ng liquid assets sa SALN ay maaaring magdulot ng duda sa pagiging tama at kumpleto ng mga deklarasyon.
Binanggit din ni Rep. Terry Ridon ang umano’y P50 million “gap” sa kita ni Duterte mula nang maging public official siya noong 2007.
Sa kabila ng kawalan ng cash declaration, patuloy na lumaki ang net worth ni Duterte:
2007: ₱7.2M
2016: ₱34.8M
2019: ₱55.6M
2022: ₱71M
2024: ₱88.5M










