
Binigyang-pugay ni Bise Presidente Sara Duterte ang sakripisyo at katatagan ng mga overseas Filipino worker (OFW) na ina kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day.
Sa kanyang mensahe, kinilala ng Bise Presidente ang hirap na dinaranas ng mga OFW mothers na malayo sa kanilang pamilya upang matustusan ang pangangailangan ng mga ito.
Ayon sa kanya, hindi lamang pisikal na presensya ang sakripisyo ng isang ina kundi ang pagtitiis sa distansya para sa kapakanan ng pamilya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng lahat ng ina, mula sa mga nag-aalaga sa tahanan hanggang sa mga Pilipinang nagtatrabaho sa ibang bansa.
Tinukoy niya ang mga ina bilang unang guro ng mga anak, sandigan sa oras ng pangangailangan, at matibay na pundasyon ng bawat pamilyang Pilipino.
Nagpaabot din ng pasasalamat si Duterte sa lahat ng mga ina para sa kanilang pagmamahal at pag-aaruga sa kanilang pamilya.
Ginugunita ang Araw ng mga Ina tuwing ikalawang Linggo ng Mayo.










