
Ibinasura ng Quezon City Regional Trial Court Branch 98 ang mosyon ni Vice President Sara Duterte na mag-inhibit o umatras sa pagdinig sa kasong grave threats laban sa kanya.
Sa kautusang may petsang Setyembre 14, sinabi ni Presiding Judge Maria Angelica De Ramos na walang sapat na batayan ang mosyon, partikular ang alegasyon ng kampo ni Duterte na may kinikilingan ang hukom sa prosecution.
Iginiit ni Duterte na umano’y tinutulungan ng korte ang prosekusyon nang utusan itong magsumite ng digital evidence na wala sa orihinal nitong isinumiteng ebidensya. Kinuwestiyon din niya ang pagiging impartial ng hukom dahil ito at ang kanyang anak ay kapwa itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na itinuturing niyang political opponent.
Ngunit ayon sa korte, walang ebidensyang nagpapatunay ng bias o favoritism laban sa kampo ng bise presidente. Nilinaw din nitong ang appointment ng isang hukom ng Pangulo ay hindi nangangahulugang magiging kinatawan ito ng politika.
Samantala, sinabi ng abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim na gagamitin ng bise presidente ang lahat ng available na legal remedies. Kasabay nito, inatasan ng korte ang magkabilang panig na mahigpit na sundin ang sub judice rule at iwasang talakayin sa publiko ang merito ng kaso.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng grave threats kaugnay ng kanyang mga pahayag sa isang online press conference noong 2024. Nauna nang naglabas ng warrant of arrest ang korte at nakapagpiyansa na ang bise presidente.










