Hinamon ni Vice President Sara Duterte si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na pangalanan ang mga opisyal ng gobyerno na umano’y kumakampi sa China sa isyu ng West Philippine Sea.

Ayon kay Duterte, dapat linawin ni Teodoro kung sino ang mga tinutukoy nitong opisyal upang malaman ng publiko kung may basehan ang naturang pahayag.

Sinabi rin ng bise presidente na dahil walang binanggit na pangalan si Teodoro, maaari umanong mapabilang maging si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga maaaring pagdudahan.

Nauna nang sinabi ni Teodoro na ang panawagan niyang magbitiw ang mga opisyal na hindi sumusunod sa polisiya ng bansa sa West Philippine Sea ay nakabatay umano sa paglabag sa batas o umiiral na regulasyon, at hindi lamang sa paniniwala.

Samantala, kinuwestiyon ni Davao City 1st District Representative Paolo “Pulong” Duterte ang pahayag ni Teodoro at sinabing ang mga halal na opisyal ay pinili ng taumbayan, hindi ng kalihim ng depensa.

-- ADVERTISEMENT --

Umani naman ng puna mula sa Malacañang ang pahayag ni Paolo Duterte tungkol sa loyalty test, na tinawag nitong nakababahala dahil tila kinukuwestiyon umano ang katapatan sa bansa.