
Iginiit ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte na inilantad ng kaso laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y interes at agenda ng International Criminal Court (ICC), kasabay ng pagbanggit sa ilang bansa na nagpahayag ng pag-alis sa Rome Statute.
Ayon kay Duterte, nakikita na umano ng buong mundo ang uri ng institusyon ng ICC at iginiit niyang may bahid ng pulitika ang isinampang kaso laban sa kanyang ama kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga. Sinabi rin niyang ipinakita sa isang isinagawang rally ang umano’y conflict of interest ng taong nag-utos ng imbestigasyon.
Idinagdag pa ng pangalawang pangulo na sa kabila ng edad at kondisyon ng kalusugan ng dating pangulo, ipinagpapatuloy pa rin ng ICC ang kaso. Aniya, magsisilbi itong halimbawa sa ibang mga bansa sa paghusga sa reputasyon at layunin ng ICC. Samantala, sinabi rin niyang inatasan niya ang mga abogado ng kanyang ama na alamin sa mga awtoridad ang sanhi ng skin irritation na naranasan ng dating pangulo habang nasa kustodiya.










