
Isinama ni Vice President Sara Duterte sina dating senador Antonio Trillanes IV at whistleblower na si Ramil Madriaga sa listahan ng mga testigong ihaharap ng kanyang depensa sa nalalapit na impeachment trial.
Batay sa pre-trial brief na inihain sa Senado, layunin ng depensa na pabulaanan ang mga alegasyon sa Articles of Impeachment at ipakita na kulang umano sa sapat na ebidensya ang mga paratang laban sa Bise Presidente.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang din sa mga posibleng testigo ang mga opisyal at kinatawan mula sa Office of the Ombudsman, National Bureau of Investigation, Commission on Audit, Department of Budget and Management, Anti-Money Laundering Council, Department of Education, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Iginiit ng kampo ni Duterte na nasa prosekusyon ang pananagutang patunayan ang mga alegasyon sa impeachment complaint.
Kabilang sa mga paratang laban sa Bise Presidente ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, pagkakaroon ng hindi maipaliwanag na yaman, hindi tamang paghahain ng SALN, kabiguang mag-divest ng negosyo habang nasa puwesto, at iba pang kasong may kaugnayan sa graft at betrayal of public trust.









