Walang idineklarang cash on hand at cash in bank si Vice President Sara Duterte sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN mula 2019 hanggang 2025, ayon sa isang opisyal ng Office of the Ombudsman.

Sa ika-25 araw ng impeachment trial, sinabi ni Karen Batu, officer-in-charge ng Ombudsman Records Division at saksi ng House prosecution, na nakasaad sa mga SALN ni Duterte na walang cash declaration sa loob ng pitong taon.

Ayon kay Batu, may mga idineklarang cash si Duterte mula 2007 hanggang 2018, ngunit pagsapit ng 2019 at 2020 ay wala nang nakalagay na cash on hand o cash in bank. Gayundin umano sa kanyang mga SALN noong 2021, 2022, 2023, 2024 at 2025.

Nauna nang ipinaliwanag ng kampo ni Duterte na ang kanyang cash on hand, cash in bank at maging mga alahas ay isinama o “lumped” sa ilalim ng “others” sa SALN.

Gayunman, sinabi ni dating Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang sa pagdinig noong Lunes na kailangang magkahiwalay na ideklara sa SALN ang cash on hand at cash in bank at hindi maaaring isama lamang sa ibang ari-arian.

-- ADVERTISEMENT --