Mag-aalas-onse ng umaga ngayong Sabado nang magtungo sa Quezon City Hall of Justice si Vice President Sara Duterte, kasunod ng pag-isyu ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng mga kasong grave threats.

Sinalubong siya ng kanyang mga abogado na sina Atty. Michael Poa at Atty. Paul Lawrence Lim.

Sa kanyang pagharap sa media, sinabi ni VP Sara na nangangamba siya para sa kanyang sariling seguridad.

Ayon sa Bise Presidente, pinuntahan kaninang umaga ng mga pulis ang lugar kung saan naroon ang kanyang ina at mga anak.

Sinabi niyang wala na siyang tiwala sa pulisya at maging sa korte.

-- ADVERTISEMENT --

Giit ni VP Sara, kung may mangyari sa kanya, sino ang mananagot?

Anya, maaaring maghugas-kamay lamang ang korte at pulisya at sabihin na aksidente ang nangyari.

Tumagal nang halos 30 minuto ang pag-uusap ng Bise Presidente at kanyang mga abogado kaugnay ng paghahain ng piyansa.

Ayaw ding pumasok ni VP Sara sa loob ng Quezon City Hall of Justice nang siya lamang dahil nangangamba siya sa kanyang kaligtasan.

Hindi raw niya alam kung ano ang maaaring mangyari sa kanya sa loob.

Sinabi ng Bise Presidente na nais niyang makita ng taumbayan ang kanyang pagharap sa proseso.

Alas-onse y medya nang tuluyang pumasok si VP Sara sa Quezon City Hall of Justice.

Dito inaasahang ihahain sa kanya ang arrest warrant, isasagawa ang booking procedures, at maglalagak siya ng piyansa.