
Walang agarang solusyon sa matinding pagbaha sa ilang bahagi ng Luzon na dulot ng tuloy-tuloy na pag-ulan mula sa Habagat, ayon kay Department of Public Works and Highways o DPWH Secretary Vince Dizon.
Ayon kay Dizon, hindi maaayos ang problema sa loob lamang ng isang taon at kailangan ng pangmatagalang solusyon at maayos na pagpapatupad ng mga flood control project.
Patuloy din ang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa mga kuwestiyonableng flood control projects, habang tinututukan ng DPWH ang pagkukumpuni sa mga sira, hindi natapos at inabandunang proyekto.
Samantala, ilang residente ang isinailalim sa rescue at evacuation sa Parañaque at Quezon City dahil sa mataas na baha.
Sa Barangay San Isidro, Parañaque, gumamit ng lubid ang ilang residente bilang gabay sa pagtawid bago dumating ang mga rescuer na may dalang rescue boats.
Sa Quezon City, halos 600 residente mula sa Roxas District at Barangay Bagong Silang ang lumikas, kabilang ang 19 na pamilyang pansamantalang nanunuluyan sa Roxas Gymnasium.










