Nilinaw ng Department of Labor and Employment o DOLE na hindi maaaring patawan ng administrative sanction ang mga empleyadong hindi pumasok sa trabaho dahil sa agarang panganib dulot ng masamang panahon.

Gayunman, ipatutupad ang “no work, no pay” policy kung hindi nakapagtrabaho ang empleyado, maliban kung may company policy, collective bargaining agreement o leave credits na nagbibigay-daan para mabayaran siya.

Ayon sa DOLE, kung pumasok naman ang empleyado at nakapagtrabaho nang higit sa anim na oras, matatanggap niya ang buong regular na sahod. Kung mas mababa sa anim na oras ang naipasok, proporsyonal na sahod lamang ang matatanggap.

Patuloy itong ipinaalala ng DOLE kasunod ng mga pagsususpinde ng trabaho at klase sa ilang lugar dahil sa walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat.