Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na walang banta ng tsunami sa Pilipinas kasunod ng magnitude 6.7 na lindol na tumama sa timog-silangang bahagi ng Loyalty Islands bandang alas-10:45 ng gabi nitong Hulyo 13.

Ayon sa PHIVOLCS, naitala ang lindol sa karagatan na may lalim na 10 kilometro.

Batay sa paunang pagsusuri, mas malaki ang posibilidad na makaranas ng pinsala ang mga lugar na malapit sa epicenter, partikular ang mga istrukturang hindi matibay laban sa malalakas na pagyanig.

Kabilang sa mga maaaring maapektuhan ang mga gusaling yari sa magagaan na materyales tulad ng kahoy, metal at yero.

Gayunman, wala pang naitatalang malaking pinsala o casualty kaugnay ng lindol.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy namang minomonitor ng PHIVOLCS ang sitwasyon, ngunit tiniyak nitong walang inaasahang tsunami na tatama sa anumang bahagi ng Pilipinas.

Ang Loyalty Islands ay matatagpuan sa timog-kanlurang Karagatang Pasipiko, silangan ng Australia at hilagang-silangan ng New Caledonia.