Nahuli ng mga awtoridad sa lungsod ng Utsunomiya ang isang ligaw na itim na oso nitong Martes matapos ang ilang araw na malawakang operasyon ng paghahanap na ikinabahala ng mga residente at nagdulot ng pansamantalang pagsasara ng mga paaralan.

Ayon sa ulat, unang namataan ang oso noong Sabado ng gabi sa isang residential area, dahilan para isara ang 94 pampublikong elementarya at middle school sa lungsod sa loob ng dalawang araw.

Dahil sa ulat ng posibleng isa pang oso sa lugar, kinansela rin ang klase sa sumunod na araw.

Ang Utsunomiya, na may populasyon na humigit-kumulang 500,000 at bahagi ng Greater Tokyo area, ay matatagpuan mga 100 kilometro hilaga ng Tokyo.

Bandang tanghali ng Martes, muling namataan ang oso sa isang residential neighborhood kaya agad na hinarang ng mga pulis ang lugar. Makalipas ang mahigit isang oras na paghahanap, tinamaan ito ng tranquilizer dart, isinakay sa kulungan, at dinala palayo ng mga awtoridad.

-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang nasa 100 kilo ang bigat ng oso. Wala pang desisyon ang lokal na pamahalaan kung ano ang gagawin dito.

Samantala, may hiwalay ding insidente ng paglitaw ng oso sa Fukushima Prefecture, kung saan nasuspinde ang klase sa ilang paaralan. Naitala rin kamakailan ang isang pag-atake ng oso sa parehong rehiyon na ikinasugat ng ilang katao.

Ayon sa mga eksperto, patuloy na dumarami ang insidente ng paglapit ng mga oso sa kabahayan sa Japan dahil sa kakulangan ng natural na pagkain, pagbabago ng klima, at pagliit ng populasyon sa mga rural na lugar.