
Umaasa si House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V na makatutulong nang malaki si bagong Budget Secretary Kim Robert de Leon sa pagpapalakas ng transparency, modernisasyon ng mga sistema, at pagpapatupad ng mga reporma sa proseso ng paggastos ng pamahalaan.
Ayon kay Ortega, malaki ang maiaambag ng karanasan ni De Leon sa Department of Budget and Management, Department of Transportation, academe, at institutional reform work upang mapalakas ang pamamahala sa pondo ng bansa.
Ipinaliwanag ni Ortega na mahalaga ang papel ng DBM bilang bantay-pinto ng pambansang pondo kaya kinakailangang maging malinaw, malinis, at madaling masuri ang budget process upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa gobyerno.
Tiniyak din ng mambabatas na handa ang Kamara na makipagtulungan kay De Leon para sa mga repormang magpapalakas sa transparency, accountability, at people-centered budgeting.
Dagdag pa ni Ortega, layunin nitong matiyak na maayos na nagagamit ang bawat pisong mula sa taumbayan at may malinaw na pakinabang para sa publiko.










